Martes, Nobyembre 12, 2013

LAHAT MAY MAGAGAWA :)

Antagal ko nang hindi nagsusulat..hindi ko na matandaan yung huli..kasi wala na akong panahon..

Pero ngayon, nais ko muling magsulat..dahil kay YOLANDA..sa mapaminsalang si YOLANDA.. :(

Simula noong Sabado, November 8, 2013, laman na ng lahat ng balita ang pinsalang hatid ng "monster typhoon" na si Yolanda. Maraming namatay, maraming nawawala, mga nasirang tahanan..mga nasirang buhay sa iba't ibang parte ng ating bansa. Nakadudurog ng puso, nakapaninikip ng dibdib..maya't mayang lumalabo ang aking salamin sa mata sa tuwing ako ay nanonood o nagbabasa ng mga balita dahil kusang dumadaloy ang aking luha. Kalunos lunos, nakapangingilabot! Normal na reaksyon ng kahit na sinong tao ang mahabag sa kapwa. 


Ngunit sapat ba ang mahabag ka lang? Sapat ba ang lumuha ka rin kasabay ng kanilang panaghoy? Ahhhh.. may mas magagawa pa tayo maliban sa mga ito. Manalangin at tumulong! Tulong? Paano? Marami ang magsasabi na tayo ay may kani-kanya ding pangangailangan..kulang ang budget..wala rin kaming pera..wala kaming ikakaya..:(

Noong Linggo, November 9, nagsimba kaming mag-ina. Dahil sa mall kami nagsisimba nakagawian na ng naming dun na rin kumain ng panaghalian. "Mommy dun na lang tayo po sa BonChon", turan ng aking anak. Sabi ko "anak next time na lang tayo kakain sa BonChon, uwi na lang tayo may food sa house". Hindi na kumibo ang anak ko. Naisip ko, kung kakain kami doon makakaubos kami ng halos Php300.00..sapat na para makabili ng 40 pirasong noodles na makakapatid gutom na rin sa ilang tao. Kinabukasan, Lunes, pag labas ko galing sa opisina napadaan ako sa isang tindahan ng mga usong damit..magaganda..maraming bagong designs. Nagsukat ako. Php380.00 ang halaga ng nagustuhan kong blouse. Lumabas ako mula sa tindahan, ibinukod ko na sa wallet ko ang halagang Php380.00, hindi ko binili ang blouse, itatabi ko to para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Dumaan ako sa Robinson's Metro East, kailangan ko na kasing bumili ng aking pressed powder sa Etude House..halagang Php884.00 yun. Naisip ko, bibili ako ng mamahaling polbo samantalang ang mga kababayan ko wala kahit na ano pa mang gamit. Naisip ko, walong kumot na yun, walong katawan na ang mabibigyan ng ginhawa sa mga panahong wala sila kahit na matinong saplot. Kailangan ko nang magpakulay ng buhok ko kasi wala ng kulay ang halos kalahati dahil isang taon na ito. Naisip ko, magpapakulay ako ng buhok dahil kumupas na ito..samantalang ang aking mga kababayan ay kumupas na ang buong pagkatao..at ang buong buhay ay nawalan ng kulay! Ilalaan ko na lang sa kanila ang gagastusin ko para sa buhok ko upang kahit paano ay makapag hatid ito ng kulay sa kanilang buhay..kahit konti lang.. Bago ako umuwi sa bahay dumaan na ako sa isang tindahan ng kumot na "wool"..bumili ako ng sampung piraso. Dumaan na rin ako sa Supermarket, bumili ako ng 200 packs ng noodles. Ipinalagay ko sa kahon..at iniwan sa "entrance" ng Robinson's Metro East, kung saan nilalagay ang mga tulong at donasyon para sa mga nasalanta ni Yolanda. Kay gaan sa pakiramdam! Alam kung maliit lang ang mga yun kumpara sa kanilang pangangailangan..ngunit yun ay ibinigay ko na may kasamang panalangin at pagmamalasakit mula sa kaibuturan ng aking puso.

Ikaw? Naiiyak ka rin ba pag nanonood ka ng mga balita?... Malamang! Kung ikaw ay naninigarilyo ng dalawang kaha sa bawat araw, ilaan mo ang halaga ng isang kaha para sa "kanila"..Mga anim na pirasong noodles rin naman iyon..sapat upang malamnan ang mga gutom na tiyan. Balak mong pumunta sa bar mamayang gabi kasama ng mga barkada dahil nauuhaw ka na sa alak? Kabayan, isipin mo muna kung ilang pirasong bottled water na ang mabibili nyan. Ang halaga ng ilang "barrel" na beer na iinumin nyo ay sapat na upang makapatid ng uhaw "nila".  Sale sa halos lahat ng malls..balak mong bumili ng branded na damit na paborito mo? Maari mo itong ipag paliban.. Isipin mo na lang kung ilang pirasong kumot na ang katumbas ng isang pirasong damit na iyong bibilhin para sa iyong sarili.


Hindi natin kailangang maging mayaman, o maging artista o politiko para makatulong sa ating mga kababayang nangangailangan. Kailangan lang natin imulat ang ating mga mata..at ibukas ang ating mga palad sa iba. Gumawa ng maliliit na sakripisyo..sapagkat maliliit man, kapag pinagsama sama ay malaki rin ang maitutulong. Limutin muna ang isipang maka "ako"..at palawakin ang isipang "makatao".

Nawa'y mabasa nyo ito...