Biyernes, Hunyo 17, 2011

AMING TATAY


IKA’Y AGILA.

Kasing tayog ng kanyang lipad
Ang iyong pangarap sayong anak.

IKA’Y PAYASO.

Nagbibigay ngiti
Sa anak na namimighati.

IKA’Y KUMOT.

Yakap ng iyong bisig
Ay pumapatid sa matinding lamig.

IKA’Y PADER.

Matibay na moog at sandigan
Ng puso ng anak na mahal.

IKA’Y ARAW.

Liwanag ka sa landas na tinatahak,
Gabay sa pag hakbang at pagtapak.

IKA’Y TUBIG.

Ang dumadaloy na pagmamahal,
Sa anak ay pamatid uhaw.
 
IKA’Y ANINO.

Kaagapay saan man magpunta
Ng anak na sinisinta.

IKA’Y ALKANSYA.

Taga puno ng lahat ng kulang,
Taga bigay ng pangangailangan.

IKA’Y GAMOT.

Pangaral mo’y nagbibigay lunas
Sa anak na naliliko ng landas.

IKA’Y YANTOK.

Pagmamahal sa pamilya’y di mababali,
Kaytibay at habang panaho'y mananatili.

IKA’Y IKAW.

Ang aming amang minamahal,
At mamahalin habangbuhay…



Miyerkules, Hunyo 8, 2011

ULAN


Tangan ang malaking dilaw na payong, lumabas ako sa aming bakuran kaninang umaga upang pumasok sa opisina. Dumampi sa aking balat ang malamig na hangin na hindi ko pangkaraniwang nararamdaman dito sa syudad.  Basang basa ang kalyeng aking nilalakaran, mabuti na lamang at nakabili na ako ng sapatos na pang tag-ulan. Madilim pa rin ang kalangitan at sa aking palagay ay maghapon ang magiging ulan ngayon.

Kapag ganitong umuulan ay hindi ko maiwasang maalala ang dati naming tirahan sa bukid noong mga bata pa kaming magkakapatid. Lagi kaming nakatanaw sa bintanang tinutukuran ng isang mahabang putol na sarayan (isang kahoy na animo’y kawayan). Ang hampas ng hangin sa mga dahon ng Kamatsile ay isa sa mga gustong gusto ko, dangan kasi’y mistula itong mga mananayaw na sabay-sabay ang pag-indak. Ugali rin namin ang sama-samang maligo sa ulan. Nagtatampisaw kami sa mga pitak na nalagyan ng tubig-ulan, naghahabulan sa mapuputik na mga pilapil, nagbabalibagan ng putik, at namumulot ng mga tutubing hindi makalipad dahil sa pagkakabasa ng kanilang mga pakpak. Laging pumapalahaw ng iyak ang kapatid kong babae na sumunod sa akin dahil namumulot din ng mga uod ng damo ang aking kuya na sya nyang ginagawang panakot  sa amin. Hay! Kaysaya ng aking buhay-bata! At talaga naming masaya ang maging bata lalo na kapag umuulan! Hindi namin kailanman inisip na ang ulang nagbibigay sa amin ng kasiyahan ay sya ring minsa’y nagdudulot ng pagkasira ng pananim ng aming tatay. Hindi namin iyon batid noon sapagka’t ni minsan ay hindi kami pinigilang magsaya ng aming mga magulang sa ilalim ng mapaglarong ulan.

Ahhh…ibang iba ang epekto ng ulan sa akin noon kesa ngayon. Naaasiwa akong lumusong sa kalyeng may tubig-ulan sa takot na baka ito ay magdulot sa akin ng sakit dahil sa mga ihi ng daga at iba pang maruruming bagay. Takot din akong paliguin ang aking anak sa ulan, di tulad ng aming mga magulang noong araw na hinahayaan kaming mapagod sa paglalaro sa ulanan. Hindi ko alam kung bakit…basta hindi ako panatag. Pag nakikita kong lumalakas ang ulan ay hindi ako mapalagay dahil nag-aalala ako na baka bumahang muli sa aming lugar. Nag-aalala din ako sapagka’t siguradong matatraffic nanaman sa pag-uwi ang aking asawa. Nag-uumpisa nanaman ngang magsikip ang Marcos Highway. Naibsan ng konte ang init ng syudad ngunit kapalit naman nito ay ibayong hirap.

Sa pag-akyat ko sa madulas na overpass ay nakita ko ang mga nagkakaingay na mga batang may mga dalang payong na animo’y pinauupahan sa mga naglalakad na walang pananggalang. Nag-uunahan sila sa paglapit sa mga taong nangangailangan ng payong. Pinapayungan nila ang mga ito hanggang sa sakayan kapalit ng limang piso. Sa mga hagdan naman ay may mga aleng nagtitinda ng mga mumurahing payong at mga tsinelas na pang tag-ulan. Nakatutuwa naman na ang ulang nagpapahirap sa iba ay oportunidad naman ang hatid sa ilan.

Nangingiti ako sa isiping iyon habang naglalakad sa ulanan. Hindi ko namalayan, nasa harap na pala ako ng pintuang bakal ng aming gusali…natanaw ko ang orasang nakasabit sa pader na pinagkakabitan ng gate. Alas otso y kinse na! Naku late nanaman ako! Dahil ba ito sa ulan? O dahil sa pag-iisip ko habang naglalakad?!


Ahhh…marahil ay nasiyahan din ako sa paglalakad ko sa ulanan kaya’t hindi ko namalayan ang oras…

Lunes, Hunyo 6, 2011

PETSA

Ika-pito ng Hunyo ngayon...isa sa mga pinaka importanteng petsa para sa akin. Bakit nga ba? Kaarawan ngayon ng aking mahal na kabiyak...at ngayon din ang araw na sinagot ko ang pag-ibig nya, pitong taon na ang nakararaan. Ano kaya ang ibibigay kong regalo para sa aking asawa?

Nakangiti akong bumangon sa aking higaan kanina. Paano ba naman, ang anak naming si Otep ay nakahigang pabaligtad sa posisyon ng aking asawa at ang kanyang malapad na talampakan ay nasa nguso na ng kanyang ama! Sadyang napakalikot niyang matulog! Kay sarap nilang pagmasdang mag-ama. Nais ko sana silang kunan ng litrato ngunit walang karga ang mga baterya ng digicam at cellphone ko. Hindi na bale, para ko na rin silang kinunan ng litrato sapagka't tumatak naman sa isip ko ang imaheng iyon at hindi na iyon mabubura kailanman. Ahhh...kung hindi dahil sa petsang ito malamang ay hindi ako nasisiyahan na tulad nito.

Ginising ko sila sa pamamagitan ng pagpisil sa kanilang mga ilong...nais ko sana silang halikan ngunit hindi pa ako nakakababa upang magmumog man lang. Bumiling at umungol lamang ang aking anak, halatang ayaw pa nyang bumangon. Lumipat ng pwesto at patuwad na natulog muli. Ang aking kabiyak ay nagmulat na ng kanyang mata... "happy anniversary",wika nya sa akin. Niyakap ko sya saka binati sa kanyang kaarawan. Kiniliti niya at dinumog ang aming anak na walang nagawa kundi ang bumangon.

Bumaba na kami at sabay na kumain ng almusal. Hindi pumasok ang aking asawa dahil gusto nya raw kaming makasama sa espesyal na araw na ito, ngunit ako naman ay papasok sa opisina...uuwi na lang ako ng maaga.
Pang karaniwang petsa, pero napaka espesyal na araw para sa aming pamilya. Lunch break pa lang, kay tagal ng oras...nais ko ng umuwi! Kakain kami sa labas mamaya...isa nanaman itong masayang sandali sa aking buhay!

Ngayon, di ko na kailangang mag-isip kung ano ang dapat kong iregalo sa aking kabiyak. Wagas na pagmamahal, pag-aalaga at katapatan...yan ang nais kong ibigay sa kanya! 

Miyerkules, Hunyo 1, 2011

HILAB

Bago ka magpatuloy, nais ko munang basahin mo ang aking lathalaing "BINHI" at "BYAHE"...

Nakapikit pa ako, pero gising na ang aking diwa. Alas tres pa lang noon ng ika-dalawampu't anim ng Oktubre. Iyon ang araw na itinakda ng aking "ob" upang ako ay saksakan ng pampahilab. Ito na kasi ang pinakahuling araw na dapat manatili ang aking anak sa loob ng aking sinapupunan. Ika sampung buwan na nya noon ngunit wala pang anumang indikasyon na nais na nyang lumabas. Biro nga ng marami, malamang daw ay nahirati ang aking anak sa masarap na buhay sa loob dahil kain-tulog lamang siya! 

Maaga akong gumayak, gising na rin ang aking asawa at ang aking ina. Sa nakita ko, higit pa ang kanilang pag-aalala kesa sa akin. Nagbihis ako ng isang bestidang kulay asul na may mga bulaklak na desenyo. Mula sa salaming nasa aking harapan ay nakikita kong malalim ang iniisip ng aking asawa. Nilapitan ko siya at tinanong kung ano ang bumabagabag sa kanya. "Kailangan pa bang itanong yan?" sagot nya. Hindi na lang ako kumibo sapagkat ako man ay nangangamba rin sa mangyayari. Kumain ako ng kanin sapagkat sabi ni nanay kailangan ko ng lakas dahil nakakapagod ang magluwal ng sanggol. 

Pasado alas siyete ng umaga ng kami'y umalis sa bahay upang tumuloy sa isang pribadong ospital kung saan ako nakatakdang manganak. Pagdating namin sa ospital, matapos ang ilang minutong paglalakad, ay dumiretso agad kami sa "emergency section" at hinanap ang aking "ob". Inayos ng aking asawa ang mga paunang bayarin at namili na rin siya ng isang "private room" kung saan kami mananatili pagkatapos kong manganak. Nilapitan ako ng isang nars, aalisin nya raw ang aking "nail polish". Bakit kaya? Kalalagay ko lang nun kagabi! Sayang naman, naisip ko. Nakikita kong pasulyap sulyap ang aking nanay, marahil ay kinakabahan pa rin. Ngunit ako ay walang nararamdamang kahit na katiting na kaba...mas lamang sa akin ang "excitement"! Nais ko nang makita at mayakap ang aking anak. 

Maya-maya ay isinakay na ako sa isang bangkong di tulak...saan kaya ako dadalhin??! Saka bakit kaya pinaiwan ang aking nanay at asawa?...Nag umpisa nang dumaloy nang mabilis ang aking dugo...nakaramdam na ako ng kaba! "Palitan nyo na po ang damit nyo mam", wika ng nars sabay abot sakin ng isang kulay rosas na manipis na damit. Inabot ko ito, saglit na nag-isip dahil parang nakakailang suotin ang isang damit na bukas ang likuran. Nahalata niya ang aking pag-aalinlangan. "Ok lang yan mam, tayo-tayo lang naman po dito". Sumunod nalang ako upang matapos na ito. Pagkabihis ay dinala ako sa "labor room". Kumabog ng malakas ang aking dibdib, sumipa ng malakas ang aking anak na para bang sinasabing "mommy kaya natin to!" Tiningnan ang aking "blood pressure", normal ito. Salamat naman! Pinapwesto na ako upang lagyan ng swero. Ito ang pinakakinatatakutan ko..ang swero! Ayoko ng mga karayom...pero nilakasan ko ang aking loob. Nang mailagay na ang swero ay pinagpahinga ako ng mga nars. Maalaga ang dalawang nagbabantay sa akin kaya hindi ako nailang sa kanila. Lumipas ang ilang minuto, narinig kong may kausap ang isang sila na tila ba nagbibigay ng "instructions". Lumapit ang isa sa akin at sinabing ilalagay na raw sa swero ang "Pitocin" na pampahilab. Ito ay isang uri ng pampahilab na katulad ng "oxytocin". Makailang minuto pa lang na nailalagay ang naturang pampahilab ay may naramdaman na akong kakaiba sa aking sinapupunan. Parang nagwawala ang aking anak...naninigas...humihilab nang paunti-unti...hanggang sa humilab nang napakasakit. Napangiwi ako sa unang bugso ng sunod-sunod na paghilab na iyon. Hinanap ko sa mga bantay ko ang aking asawa at ang aking nanay. Nais kong yumakap sa kanilang upang humingi ng dagdag na lakas. Patakaran daw ng ospital na hindi pwedeng pumasok sa "labor room" ang asawa o sinumang kamag-anak ng manganganak. Nadismaya ako at nanlumo sa narinig, nais ko silang sigawang lahat ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Halinhinang tumitingin sakin ang aking "ob" at ang "resident ob" ng ospital. Tinitingnan nila kung hanggang saan na ang ulo ng bata at kung ilang sentimetro na ang niluluwag ng aking "cervix". Ang pag "IE" ng mga doktor ay higit na nagpadagdag sa sakit na aking nararamdaman. Gusto kong tadyakan ang mga doktor ko. Tuwing ika-limang minuto ay kinukuha ang aking "bp" at ang pintig ng puso ng aking anak. Ang nakatutuwang pintig na iyon ang nagpapalakas sa akin. Dumalas at tumindi ang paghilab ng aking sinapupunan. Tila ba kay bagal ng takbo ng oras. Ala una na ng hapon noon at limang oras na pala ako sa silid na iyon. Nanghihina na ako, nanginginig na ang aking kalamnan hanggang sa dulo ng aking mga hinlalaki sa paa. "Pagod na ba kayo?", tanong ko sa mga nars nang makita kong halos nanlalambot na rin sila sa pag-aasikaso sa akin. "Ako pagod na pagod na", wika ko. Naawa naman sila sa akin at kinwentuhan na lang ako ng mga nakakatawang bagay upang kahit siguro paano ay mabawasan, kung hindi man mapawi, ang sakit na aking nararamdaman. Para na akong nasa alapaap, hindi ko na alam kung paano at anong posisyon ba ang dapat kong gawin upang mabawasan ng kaunti ang sakit ng paghilab. Alas dos ng hapon ng pumasok muli ang aking "ob" upang suriin ang aking kalagayan. Tiningnan nyang muli ang aking "cervix", napailing sya. "Naku napakalayo pa!" Sinaksakan ako ng ayon sa kanila ay pampalambot ng "cervix". 


Ilang oras pa ang nakalipas, muli akong binalikan ng aking "ob". Sa pakiramdam ko ay maputla na ako dala ng panghihina sa sakit na nararamdaman. Itinapat ng nars sa aking tyan ang gamit na panukat ng bilang ng pintig ng puso ng aking anak. Nagulat sila nang marinig na mahina na at mabagal ang pintig na iyon. Naalarma ang mga sila pati na ang aking "ob". Bigla akong kinabahan. "Anong nangyayari sa anak ko?", tanong ko sa kanila. Humina daw ang pintig ng puso ng bata. Ha?! Napaiyak ako at nagpanic. Kinalma nila ako at dagling pinapasok ang aking asawa't ina. Laking tuwa ko nang makita sila. Sa halos siyam na oras na ako'y naghihirap ay wala akong ibang hiniling kundi sana'y nasa tabi ko ang aking ina at ang aking asawa nang mga oras yun. Sa kanilang presensya'y bahagyang nabawasan ang aking nararamdamang kaba at sakit.

Dagling tinanggal ng isa sa kanila ang gamot na pampahilab na nakalagay sa swero dahil baka kung ano na raw ang mangyari sa aking anak. Pumutok na rin ang aking panubigan ngunit wala pa ring indikasyong lalabas na ang aming panganay. Ika-anim na noon ng gabi. Bahagyang hinihilot ng aking ina ang aking tiyan habang kinakausap naman ni doktora ang aking asawa. Nakapikit ako noon at umuusal ng mahihinang dalangin na sana ay walang masamang mangyari sa aming mag-ina.


Napagpasyahang operahin na ako nang sa gayon ay maiwasan ang maraming hindi magagandang mangyayari kung matatagalan pa sa loob ng aking sinapupunan ang aming munting anghel. Para akong nabunutan ng tinik..."sa wakas makakaraos na rin kaming mag-ina", wika ko sa aking sarili. Ikapito't kalahati na ng gabi ng ako'y dalhin sa "operating room". Bago sa pakiramdam at sa paningin ko ang lugar na iyon dahil yun ang kauna-unahang pagkakataong ako ay maoopera. Masakit na masakit at wala pa ring tigil sa paghilab ang aking tyan. Nanginginig pa rin ang aking kalamnan. Pakiramdam ko ay para na akong nauupos na kandila. "Parang awa nyo na po gawin nyo na", pagsusumamo ko sa mga taong nandoon na hindi ko na halos makilala dahil malabong malabo na ang aking paningin. Mabilis naman ang kanilang naging pagkilos dahil sa loob lamang ng ilang minuto ay narinig ko na ang pag iyak ng aking sanggol.


"Uha, uha"! Tumagos sa puso ko ang iyak na iyon. Iyon na yata ang pinakamagandang tinig na narinig ko sa buong buhay ko. Napaluha ako sa galak. Dalawang bugso lamang ng iyak ang aking narinig. Inilapit sa akin ng doktor ang aking anak upang ipakita ang kanyang itsura. Hilong hilo ako ng mga oras na yun ngunit pinilit kong tingnan sa kauna-unahang pagkakataon ang aking mahal na anak. Kay laki niya! At ang puti-puti! Ipinakita din sa akin ang kanyang balat (birth mark) na hugis puso sa kanyang kaliwang hita. Kay sarap sa pakiramdam...dagling napalis ang lahat ng sakit na kanina lamang ay nanunuot sa aking kalamnan. Ahhh...ganito pala ang maging ina...napakasaya! Inilagay na ng doktor ang "name tag" naming mag-ina at unti-unti nang dumilim ang aking paningin.




Kay hirap ng pinagdadaanan ng isang ina sa kanyang pagluluwal...walang katulad na sakit na halos ikadurog na ng kalamnan ng pangkaraniwang tao. Ngunit sa pagsilay sa anak na dinala sa loob ng ilang buwan, walang katulad na kasiyahan din naman ang mararamdaman. Naisip ko, napakapalad ko...dahil binigyan ako ng Maykapal ng pagkakataong maging Kanyang instrumento sa pagbuo ng isang buhay.