Biyernes, Hulyo 29, 2011

BUNTOT


Ngarag pa ako hanggang ngayon! Maaga kasi akong pumasok kaninang umaga sapagkat mayroon kaming bisita, manager ng isang kilalang bangko dito sa Cainta, Rizal.  Maaga kong inayos ang lahat ng aming files ng payroll dahil ang mga iyon ang kinailangan namin sa naganap na meeting. Nagprisenta kasi ang aming bisita ng isang bago at mas pinadaling sistema sa paghahanda at pag gawa ng payroll. 

Lalaki ang aming bisita… kagalang galang sapagkat may mataas na pinag-aralan, idagdag pa dito ang maganda nyang posisyon sa bangkong kanyang pinapasukan. Napakaganda ng kanyang pananamit, gayundin, magalang syang manalita. Kasama ang aking mga boss ay nagpakilalahan kami sa bawa’t isa. Inalok namin sya ng kape. Habang sya’y nagkakape ay nagtanungan muna kami ng mga personal na bagay upang magkaroon ng “rapport” ika nga. Sadya rin naming makwento ang aking mga boss. Tahimik lamang akong nakikinig sa kanila at paminsan minsa’y napapangiti sa mga pinag uusapan nila. “Taga saan ka Sir?”, narinig kong tanong nya sa aking boss na lalaki. “A uragon kaming mag-asawa”, wika ng boss ko na ang ibig sabihin ay sakop ng Bicol Region ang pinanggalingan nyang probinsya. Bumaling sa akin ang aming bisita…”ikaw Jo taga saan ka?”, tanong nya sa akin. “Dito po ako sa Marikina nakatira sa ngayon, pero San Jose, Occidental Mindoro po ang probinsya ko, Mangyan po”, sagot kong may pagmamalaki. “Ahh, e di may buntot ka?”, tanong nya sa akin sabay tawang malakas. Nag init ang aking mukha…marahil ay dala ng nakakabwisit niyang tawa! “Wala po a… baka kayo meron!”, sagot ko sabay irap. Nahalata nyang nainis ako sa kanyang tinuran. “Kasi may nakapagsabi sa akin na may buntot daw ang mga Mangyan!”, wika nya! “Kung gaano po kaimposibleng literal na magkaroon kayo ng buntot e ganun din po ang mga Mangyan…imposible silang magkabuntot dahil kung ano po tayo e ganun din sila.” Turan ko sabay bukas ng aking laptop upang maumpisahan na nya ang anumang pakay nyang ipaliwanag sa amin at nang hindi na nya dugtungan pa ang mga sasabihin nya patungkol sa mga Mindoreños.

May buntot! ... isang nakatutuwang pagsasalarawan, ngunit para sa isang tulad kong lumaki sa bayang kinabibilangan ng mga Mangyan, nakapangingilabot na komento ito.

Hindi ang manager na iyon ang unang naingkwentro ko tungkol dito. Nang ako'y nasa review school pa, meron akong isang kaklaseng nagtanong din sa akin kung ako raw ba ay may buntot. Nakakagulat! Ngunit sya'y seryoso. Natawa ako at sumagot "Haler! Bakit ikaw ba meron?"...”Wala”, Sagot nya naman. “Yun naman pala e bakit mo ako tinatanong?”, sagot ko habang tinitingnan ko sya simula ulo hanggang paa. Ang sabi nya sakin "di ba taga Mindoro ka,  may buntot daw ang mga mangyan". Ibig ko syang batukan. Isang taong may pinag aralan... naniniwalang may mga tao talagang may buntot sa mahal kong lalawigan! “Ano ba ang itsura nila? Sabi nakakatakot daw itsura”, dugtong pa nya habang ang mata’y nanunuya at nang-uuri. Humarap ako sa kanya, “nasubukan mo na bang manalamin? I-times ten mo yang beauty mo, ganun sila kaganda.”…mataray kong sagot sa kanya, sabay talikod!

May isa pa, noong nakaraang araw ko lamang ito nabasa sa Facebook. Ang kakilala kong Mindoreña ay tila may kaaway sa naturang social networking site. Nacomment ba naman sa kanya…”Mangyan ka nga talaga! Napakarama ng ugali mo, masama kang babae!”… Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay nasaktan ako…hindi dahil sa kakilala ko ang pinag sabihan kundi dahil ang pakiramdam ko’y pati ako ay nasabihan din ng masama dahil sa tinuran nyang “Mangyan ka talaga”… Nais ko sanang padalhan ng mensahe ang taong iyon, ngunit pinigilan ko na lamang ang aking sarili sapagkat hindi ko na nais na makisawsaw pa sa kung anumang gusot na meron sila. 

Nais ko silang ideklarang “persona non grata” sa Mindoro! O kaya’y ipasuwag sa mga Tamaraw! Maari kaya? Sana’y maaari nga…

Hindi talaga maitatanggi na kapag ang mga Mindoreños ay napunta sa ibang lugar, ang pagiging Mangyan ay syang dala dalang tatak. Nakalulungkot lamang isipin na ang katutubong syang taal na naninirahan sa aking bayan ay silang tampulan ng tukso at katatawanan. Marahil, dahil ito sa sila'y naiiba sa karaniwan. Nakabahag, may nginunguyang nganga ang karaniwan lalo na yung mga matatanda, may mga sunong na balulang at kaing. Ang mga hindi pa naaabot ng kabihasnan at hindi pa nakakapag-aral ay hindi pa gaanong marunong maglinis ng sarili. Madalas silang nakikita kapag magpapasko, nangangalabit…nanghihingi ng piso. Yan ang pisikal na kaanyuan ng mga mangyan na nakikita ng pangkaraniwang mga mata.

Sa matang ang patingin ay lagpas sa pisikal na aspeto, iba't ibang kulay ang nakikita sa mga kung tawagin ay mga "dugoy".  Masarap maging tulad nila... inosente. Hindi sila sanay sa mga modernong kagamitan, pero ang kanilang kasalatan at kainosentehan ang naglalayo sa kanila sa maraming kasalanan. Walang pornograpiya at malalaswang babasahin, walang "text scam", walang "e-mail scam".  Walang kaaway sa "Facebook" o "Twitter". Hindi sila sanay sa anumang luho, simpleng simple ang buhay nila. Sa bundok sila nakatira, sa mga tahanang gawa sa mga bagay na galing sa kalikasan... kaya hindi nila kailangang kumayod maghapon para may pambayad sa inuupahang malaking bahay. Sa pagkain simple din sila, hindi nila kailangang mamili kung sa Jollibee o McDo sila kakain.  Hindi sila kailanman marunong magpanggap, tapat sila sa kung sino at ano sila. Nanghihingi man sila, hindi naman sila kailanman nangupit, nangamkam o nanguha ng mga bagay na pag-aari at pinaghirapan ng iba.

Sa mga taong naniniwalang may buntot at nakakatakot ang itsura ng mga katutubo naming kababayan, isipin nyo na lang po na wala silang pinag iba sa iyo sa pisikal na kaanyuan. Sa mga kababayan ko naman, sana’y sa atin mag umpisa ang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanila sapagkat sila’y ating tatak…sila’y ating pagkakakilanlan.


Sa isang banda, napag-isip isip ko, tama nga rin ang ilan…sadyang may mga tao nga namang may “buntot” sa aking lupang sinilangan…hindi sa bundok nakatira kundi sa patag…may magagarang bahay at sasakyan. Nangangamkam…nagpapasasa sa mga yamang pinag hirapan ng iba…gumagamit ng dahas at kapangyarihan makamtan lang ang pansariling kagustuhan. Buntot nga lang ba? Palagay ko ay may iba pa…sungay! …At hindi lamang sa Mindoro sila matatagpuan…kahit saan ay may mga taong may buntot at sungay…lumingon ka, baka katabi mo lang pala sila! Subukan mo na ring masusing tingnan ang sarili mo sa salamin…baka nag sisimula na ring tumubo ang tanang sa iyo.

Miyerkules, Hulyo 6, 2011

KUTSARA'T TINIDOR

Kahit alas dose pa ang aming lunch break, alas onse y medya pa lamang  ay nananghalian na kami. Maaga akong nakaramdam ng gutom dahil kape lamang ang tanging inilaman ko sa aking sikmura bago umalis ng bahay.

Ano na nga ba ang petsa ngayon?! Ika pito ng Hulyo... ano? Ikapito ng Hulyo?! Ika walumput-limang buwan pala naming magkarelasyon ng aking kabiyak! Marahil ay dahil sa pagiging okupado ng aking isipan sa maraming bagay na may kinalaman sa trabaho at sa pagbabasa ng mga nangyayari sa buhay ng aking mga kaibigan sa Facebook kaya nawala na sa isipan ko ang importanteng araw na ito. Hindi ko man lamang nabati ang aking mahal na kabiyak. Hindi na bale, uuwi na lamang ako ng maaga upang kahit na paano ay magkita naman kami kahit na mga labinlimang minuto lamang. Kapag kasi buwan ng Hulyo at Agosto ay pang gabi ang kanyang pasok sa trabaho kaya sasandali na lamang kaming nagpapang-abot pag-uwi ko ng bahay galing sa opisina.

Habang kami'y kumakain, biglang tumunog ang aming telepono. Napakalakas niyon, inilagay ko nga pala ito sa pinakamataas na volume kahapon. Dahil sa tunog na iyon, ako ay nagulat at naihulog ang tangan kong kutsara. Habang pinupulot ko ang nahulog na kobyertos, ako ay napaisip...kaya ko kayang kumain na tinidor lamang ang gamit? Ahhh...napakahirap sapagkat may sabaw ang aming ulam. Bigla kong naisip ang aking kabiyak...tila kami'y kutsara't tinidor. Nilikha silang sadyang magkaiba ang itsura...isang pabilog at may malalim na parte at ang isa'y may matutulis na parteng animo'y mga daliri. Magkaiba rin ng gamit...ngunit nilikhang magkapares at kay hirap gamitin kung wala ang isa.

Sa pisikal na aspeto pa lamang ay sadyang magkaiba na kaming mag-asawa. Matangkad ang aking kabiyak, at ako nama'y mistulang maliit na bata kung itatapat sa kanya. Para sa iba'y hindi raw magandang tingnan kapag kami'y naglalakad na magkasabay dahil isang "ruler" ang lamang niya sa akin. Kailanma'y hindi kami naasiwa sa taas ng isa't isa. Sa pag-uugali'y napakarami rin naming pagkakaiba. Animo'y silangan at kanluran...dulo't dulo! Sa mga bagay na nagugustuhan at kinahihiligan ay sadyang magkaiba rin kami. Ang malalakas at bayolenteng paglalaban ng mga manlalaro sa "UFC" na kinagigiliwang panoorin sa telebisyon ng aking kabiyak ay sya namang nagpapatindig ng aking balahibo at nagpapatili sa akin. Ang mga baduy at katawa tawang teleserye naman na aking pinanonood ay kinaaalibadbaran ng aking kabiyak. Papaano nga ba kami nagkakasundo sa panonood ng telebisyon? Inilalagay na lamang namin sa istasyong nais ng aming anak...ang Myx, Disney o dili kaya ay Nick Channel. Sa gayong paraan ay masaya kaming nakakapanood ng sama sama at walang pinagdedebatehan. Sa mga championship ng UFC na lamang sya nanonood at ako naman ay sa mga huling bahagi na nakakasilip ng teleserye! Sa pag bili at pag pili ng mga damit at kagamitan ay madalas na hindi magkapareho ang aming mga gusto. Kadalasa'y mura ang nais ko at sya nama'y mamahalin ngunit mas di hamak na maganda ang kalidad. Sa pagpili ng pagkain ay magkaibang magkaiba rin kami. Ako ay sadyang paborito ang isda sapagkat ako ay lumaki sa lugar na tila pinagpapamigayan lamang ang mga ito at maaari pang mahuli ng libre sa ilog na malapit sa aming bukid. Kabaligtaran naman ang aking kabiyak. "Kalaban" kung tawagin nya ang malalaking isdang iniluluto ko. Ang paborito nya ay adobong baboy o manok, sinigang na baboy, pinirito o inihaw na manok at sari-saring gulay na nilutong pabulanglang. Kapag ako ay natatakam sa isda ay nagluluto ako ng paksiw na bangus. Lalagyan ko ito ng maraming dinikdik na bawang at luya sapagkat ang mga iyon lamang at konteng sabaw ang kakainin ng aking asawa. Minsa'y bumibili rin ako ng tilapya ngunit ang pinipili ko ay iyong pinakamaliliit  dahil  iyon lamang ang papasa sa pang-amoy at panlasa ng mahal kong kabiyak. Sa mga panahong nais ko syang pasayahin ay nagluluto ako ng sinigang na baboy o dili kaya ay adobo. Napakarami nyang nakakain at manaka nakang pinupuri ito at sinasabing napakasarap ko raw talagang magluto! Sa mga papuring iyon ay napaparami na rin ang aking kinakain na sya namang iniiwasan ko sapagkat makadadagdag nanaman ito sa aking lumalaking tiyan! Kapag nais naming parehas na masiyahan sa pagkain ay nagluluto ako ng ginisang mais na nilagyan ng talbos ng ampalaya at sinahugan ng maliliit na hipon. Sa pagkaing iyon kami magkasundong magkasundo.

Napakarami pang pagkakaiba naming mag-asawa. Sa estilo ng pagpapalaki sa aming anak, sa mga lugar na gustong puntahan, sa mga gustong gawin at maging sa mga gustong marating sa buhay. Paano nga ba kami namumuhay sa iisang bubong kung kami ay magkaibang magkaiba? Paano kami nagkakasundo? 

"PAGMAMAHAL"! Iyan ang kaisa isahan naming sekreto! Nang dahil sa pagmamahal, kami ay may unawaan at pagbibigayan. Nang dahil sa pagmamahal, kami ay may paggalang sa gusto at hilig ng isa't isa. Nang dahil sa pagmamahal, pinupunan namin ang kakulangan ng isa.
Sadya ngang kami ay katulad ng isang kutsara at isang tinidor...magkaibang magkaiba...ngunit sadyang nilikha para sa isa't isa. Sa pagsasama at pagiging isa ay nagkaroon ng isang layuning pang habangbuhay...ang layuning bumuo ng isang masayang pamilya.