Miyerkules, Hulyo 6, 2011

KUTSARA'T TINIDOR

Kahit alas dose pa ang aming lunch break, alas onse y medya pa lamang  ay nananghalian na kami. Maaga akong nakaramdam ng gutom dahil kape lamang ang tanging inilaman ko sa aking sikmura bago umalis ng bahay.

Ano na nga ba ang petsa ngayon?! Ika pito ng Hulyo... ano? Ikapito ng Hulyo?! Ika walumput-limang buwan pala naming magkarelasyon ng aking kabiyak! Marahil ay dahil sa pagiging okupado ng aking isipan sa maraming bagay na may kinalaman sa trabaho at sa pagbabasa ng mga nangyayari sa buhay ng aking mga kaibigan sa Facebook kaya nawala na sa isipan ko ang importanteng araw na ito. Hindi ko man lamang nabati ang aking mahal na kabiyak. Hindi na bale, uuwi na lamang ako ng maaga upang kahit na paano ay magkita naman kami kahit na mga labinlimang minuto lamang. Kapag kasi buwan ng Hulyo at Agosto ay pang gabi ang kanyang pasok sa trabaho kaya sasandali na lamang kaming nagpapang-abot pag-uwi ko ng bahay galing sa opisina.

Habang kami'y kumakain, biglang tumunog ang aming telepono. Napakalakas niyon, inilagay ko nga pala ito sa pinakamataas na volume kahapon. Dahil sa tunog na iyon, ako ay nagulat at naihulog ang tangan kong kutsara. Habang pinupulot ko ang nahulog na kobyertos, ako ay napaisip...kaya ko kayang kumain na tinidor lamang ang gamit? Ahhh...napakahirap sapagkat may sabaw ang aming ulam. Bigla kong naisip ang aking kabiyak...tila kami'y kutsara't tinidor. Nilikha silang sadyang magkaiba ang itsura...isang pabilog at may malalim na parte at ang isa'y may matutulis na parteng animo'y mga daliri. Magkaiba rin ng gamit...ngunit nilikhang magkapares at kay hirap gamitin kung wala ang isa.

Sa pisikal na aspeto pa lamang ay sadyang magkaiba na kaming mag-asawa. Matangkad ang aking kabiyak, at ako nama'y mistulang maliit na bata kung itatapat sa kanya. Para sa iba'y hindi raw magandang tingnan kapag kami'y naglalakad na magkasabay dahil isang "ruler" ang lamang niya sa akin. Kailanma'y hindi kami naasiwa sa taas ng isa't isa. Sa pag-uugali'y napakarami rin naming pagkakaiba. Animo'y silangan at kanluran...dulo't dulo! Sa mga bagay na nagugustuhan at kinahihiligan ay sadyang magkaiba rin kami. Ang malalakas at bayolenteng paglalaban ng mga manlalaro sa "UFC" na kinagigiliwang panoorin sa telebisyon ng aking kabiyak ay sya namang nagpapatindig ng aking balahibo at nagpapatili sa akin. Ang mga baduy at katawa tawang teleserye naman na aking pinanonood ay kinaaalibadbaran ng aking kabiyak. Papaano nga ba kami nagkakasundo sa panonood ng telebisyon? Inilalagay na lamang namin sa istasyong nais ng aming anak...ang Myx, Disney o dili kaya ay Nick Channel. Sa gayong paraan ay masaya kaming nakakapanood ng sama sama at walang pinagdedebatehan. Sa mga championship ng UFC na lamang sya nanonood at ako naman ay sa mga huling bahagi na nakakasilip ng teleserye! Sa pag bili at pag pili ng mga damit at kagamitan ay madalas na hindi magkapareho ang aming mga gusto. Kadalasa'y mura ang nais ko at sya nama'y mamahalin ngunit mas di hamak na maganda ang kalidad. Sa pagpili ng pagkain ay magkaibang magkaiba rin kami. Ako ay sadyang paborito ang isda sapagkat ako ay lumaki sa lugar na tila pinagpapamigayan lamang ang mga ito at maaari pang mahuli ng libre sa ilog na malapit sa aming bukid. Kabaligtaran naman ang aking kabiyak. "Kalaban" kung tawagin nya ang malalaking isdang iniluluto ko. Ang paborito nya ay adobong baboy o manok, sinigang na baboy, pinirito o inihaw na manok at sari-saring gulay na nilutong pabulanglang. Kapag ako ay natatakam sa isda ay nagluluto ako ng paksiw na bangus. Lalagyan ko ito ng maraming dinikdik na bawang at luya sapagkat ang mga iyon lamang at konteng sabaw ang kakainin ng aking asawa. Minsa'y bumibili rin ako ng tilapya ngunit ang pinipili ko ay iyong pinakamaliliit  dahil  iyon lamang ang papasa sa pang-amoy at panlasa ng mahal kong kabiyak. Sa mga panahong nais ko syang pasayahin ay nagluluto ako ng sinigang na baboy o dili kaya ay adobo. Napakarami nyang nakakain at manaka nakang pinupuri ito at sinasabing napakasarap ko raw talagang magluto! Sa mga papuring iyon ay napaparami na rin ang aking kinakain na sya namang iniiwasan ko sapagkat makadadagdag nanaman ito sa aking lumalaking tiyan! Kapag nais naming parehas na masiyahan sa pagkain ay nagluluto ako ng ginisang mais na nilagyan ng talbos ng ampalaya at sinahugan ng maliliit na hipon. Sa pagkaing iyon kami magkasundong magkasundo.

Napakarami pang pagkakaiba naming mag-asawa. Sa estilo ng pagpapalaki sa aming anak, sa mga lugar na gustong puntahan, sa mga gustong gawin at maging sa mga gustong marating sa buhay. Paano nga ba kami namumuhay sa iisang bubong kung kami ay magkaibang magkaiba? Paano kami nagkakasundo? 

"PAGMAMAHAL"! Iyan ang kaisa isahan naming sekreto! Nang dahil sa pagmamahal, kami ay may unawaan at pagbibigayan. Nang dahil sa pagmamahal, kami ay may paggalang sa gusto at hilig ng isa't isa. Nang dahil sa pagmamahal, pinupunan namin ang kakulangan ng isa.
Sadya ngang kami ay katulad ng isang kutsara at isang tinidor...magkaibang magkaiba...ngunit sadyang nilikha para sa isa't isa. Sa pagsasama at pagiging isa ay nagkaroon ng isang layuning pang habangbuhay...ang layuning bumuo ng isang masayang pamilya.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento