Biyernes, Mayo 20, 2011

BINHI

Pupungas pungas kong kinuha ang maliit na bagay na nasa ilalim ng aking unan... anong oras na ba? Aba! Alas kwatro pa lang pala ng madaling araw. Halos hindi na ako nakatulog magdamag, ayon sa aking pagkakatanda alas tres nang huli akong tumingin sa aking orasang nakasabit sa dingding ng aming silid. Ganito ba talaga ang pakiramdam? Ganito rin kaya ang naging pakiramdam ng aking mga kaibigan noong sila ay unang gagamit ng "pregnancy test kit"? 

Buwan noon ng Marso kaya mag-isa lang ako sa aming inuupahang "apartment", pang-gabi ang trabaho ng aking asawa. Dalawang buwan na kaming naikakasal noon. Antagal kong nakahiga sa aming kama, nakatingin sa ilaw sa taas ng kisame, nagmumuni muni...nag-iisip ngunit tila walang pumapasok sa aking ulo.  Maraming bagay ang umuukilkil sa aking isip. Kaya ko na bang maging ina? Kaya na ba naming maging magulang? Mahirap kayang magdalantao? Masakit kayang magluwal ng sanggol?...Ano pa ba? Ahhh... marami pa! Pero sa isang banda ay nababanaag ko ang imahe ng isang sanggol... napaka "cute" nya. Ambango-bango, napakaganda nyang ngumiti, itinataas niya ang kanyang mga kamay na animo'y sinasabing kunin ko sya at ipaghele sa aking dibdib. Sa isiping yun kagyat akong bumalikwas, hawak ko pa rin ang maliit na bagay...dumiretso ako sa banyo upang gawin ang ritwal.

Nakapikit ako habang mahinang nagbibilang ng isang daan. Umaalon ang aking dibdib...halos nadidinig ko na ang pindig ng aking puso. Iminulat ko ang aking mga mata pagkatapos kong magbilang at unti-unting tiningnan ang "pregnancy test kit". Nanginginig ang aking mga kamay na sinipat nang mabuti ang bagay na iyon. Dalawang guhit... Ano? Dalawang guhit?!! Hindi ko alam kung ilang ulit akong napatawa... napaluha... napatawa... hanggang mapaluha na nang tuluyan. Nagdadalantao na ako! Isang biyayang kaloob ng Dyos. Makailang minutong muling naglaro sa aking isipan ang imahe ng isang sanggol! Isang binhing sumibol sa aking sinapupunan. Isang binhing hindi ko pa man nararamdaman ay kagyat kong minahal. Ahhh... Kay sarap ng pakiramdam!

Lumabas na ako sa banyo, tangan ko pa rin ang "kit". Nagulat ako nang biglang may yumakap sakin... "Anong result?" Ang aking asawa... umuwi pala ng maaga dahil hindi na rin sya mapakale sa trabaho, alam nya kasing noon ko malalaman kung nagdadanlato na nga ba ako o hindi pa. Tiningnan ko sya nang matang hilam sa luha ng kaligayahan. Wala akong naging tugon kundi isang ngiti. Hinigpitan pa nya ang yakap sakin at para kaming mga batang nawala sa sariling nagpaikot-ikot sa "sala". Hindi kami nag-uusap, pero nagtatawanan kami, at pagkatapos ay umiiyak. Nawala ang lahat ng agam agam sa aming puso, napalitan ng kaligayahang hindi masukat at hindi matanto kung saan nagmumula. 

Madrama...nakakatawa para sa ilan...pero iyan ang totoong nangyari at naramdaman namin nang unang sumibol ang binhi saking sinapupunan. Ang binhing nagsilang sa amin bilang bagong kami...bilang bagong ina at bagong ama.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento