Martes, Mayo 24, 2011

BYAHE

Masakit ang ulo, umiikot ang patingin, mabigat ang katawan at animo'y mababali ang aking balakang. Ito ay ilan lamang sa aking naramdaman sa unang buwan ng aking byahe tungo sa pagiging ina. Ika-siyam noon ng Marso nang una akong pumunta sa isang "ob gynecologist" upang makita ang sitwasyon ng supling sa loob ng aking sinapupunan. 

Takot ako sa karayom, ngunit kinailangan kong labanan ang aking takot upang malaman kung normal ba ang kalagayan ng aking katawan. Doon ko rin naranasan ang unang "ultrasound" sa buhay ko. Kahit na sabihin ng doktor na kailangan kong kumalma lamang upang makita nang maayos ang nasa loob ng aking sinapupunan ay hindi ko ito halos nagawa. Nahirapan sya sa unang subok, ngunit pinilit kong kumalma dahil nakikita kong tumataas na ang kanyang kilay at medyo humahaba na ang kanyang nguso. Nakatingin ako sa "monitor" na nasa aking harapan habang ginagawa nya ang pag "uultrasound". Wala akong mawawaan...wala akong nakita! Sinabi sakin ng doktor na kailangan kong mag-ingat dahil nakita nyang mababa ang inunan ng aking sanggol. Ha?! Ano ba ang ibig sabihin nun?... Natakot agad ako... Palibhasa'y unang pagbubuntis ko ito, hindi pa ako sanay sa mga wikang pang doktor. Nang ipaliwanag sakin ng "ob" ang resulta saka ko lamang naintindihan na wala namang masamang mangyayari sakin at sa aking sanggol kung ako lamang ay mag-iingat.

Nang sumapit na ang ikalawang buwan ng aking byahe, dito ko na naranasan ang maraming senyales ng paglilihi. Sa umaga'y tila ba palaging naiiwan ang aking katawan sa higaan at ang bumabangon lamang ay ang aking kaluluwa. Napakahirap bumangon. Halos mapanting na ang tenga ng ultimo ipis sa aming bahay sa paulit-ulit na tunog ng aking "alarm clock". Nahirapan akong maghanda ng pagkain sapagkat ang amoy ng ginisang bawang at sibuyas, gayun din ang amoy ng kahit na anong pritong pagkain ay nagpapaliktad ng aking sikmura. Ngunit kailangan kong magluto upang pagdating ng aking asawa ay meron syang makain. Minsa'y halos maglupasay ako sa sahig sa pagduduwal...ito na yata ang pinakamahirap na parte ng paglilihi. Araw-araw akong huli sa pagpasok sa opisina. Salamat nalang at naintindihan nila ang aking kalagayan. 

Sa araw-araw na lumipas ay ganun ang aking naging buhay hanggang sumapit ang ikatlong buwan. May mga panahong naglalaro sa aking imahinasyon ang mabango at masarap na imahe ng Ube con Macapuno na keyk. Agad ko itong ipabibili sa aking asawa ngunit kapag ito ay nasa harap ko na ay sapat na sakin ang makita at maamoy ito. Ibang saya ang hatid sa akin ng amoy ng pagkaing iyon. Tila nanalo ako sa "lotto"! Minsan naman ay tila ba naramdaman ko ang matinding pagkauhaw at matindi ang aking pagnanais na makainom ng "Fit & Right na Four Seasons". Wala akong kasama nang oras na iyon kaya mag-isa akong lumabas ng bahay at naghanap ng inuming iyon. Alas onse na noon ng gabi kaya't sarado na ang mga supermarket na malapit samin. Napilitan akong maghanap sa mga katabing sari-sari store. Sa wakas nakabili rin ako sa ikaapat na tindahan. Agad ko itong ininom! Kaysarap sa pakiramdam na tila ba ang pag-inom ko ng inuming iyon ay katumbas ng pagtupad ng isang pangarap! Ahh..ganito pala ang sinasabing paglilihi!

Dumaan pa ang mga araw, buwan-buwan akong bumibisita sa aking doktor. Sa tuwing pagbisita ko sa kanya ay pinakikinggan namin ang pintig ng puso ng aking anak.. hayyy, para akong nasa alapaap kapag naririnig ko ito!

Noong ikaanim na buwan ay sinamahan ako ng aking asawa sa pagpunta sa doktor sapagkat noong araw na iyon nakatakdang malaman namin ang kasarian ng aming supling. Sobrang nakaka-excite. Nanginginig kaming mag-asawa nang ako ay sumalang sa "ultrasound". Pinahiran ng pampadulas ang gawing ilalim ng aking malaking tiyan, pinahiga ako at saka inikot-ikot ang dulo ng "transducer probe" upang makita ang kasarian ng bata.  

Halos lahat noon ng nakakakita sa aking tiyan ay babae ang naging hula sa aming magiging panganay kaya't natanim din sa isip naming mag-asawa na malamang kesa hindi, babae ang aming supling. Nakaisip na rin kami ng isang pangalang pambabae. Pinihit, pinaikot-ikot, hanggang sa itutok sa isang parte ng aking tiyan ang "transducer" saka sinabi ng "ultrasonographer" na "baby boy po sya, at malusog"! Napanganga kami...dahil ang inaasahan namin ay "baby girl", ngunit sandali lamang iyon. Kagya't kaming nagyakap na mag-asawa at napaluha sa galak. Natuwa ang aking "ob" dahil sya lamang ang nag-iisang "baby boy" ang hula. Niresetahan nya ako ng ilan pang mga bitamina at pinayuhang mag-ingat nang mabuti lalo na sa paglalakad sapagkat nakabagsak pa rin ang inunan ng aking sanggol. Habang naglalakad kaming pauwi ng aking asawa ay nagkakatawanan kami dahil kailangan naming mag-isip ng pangalang panlalaki.

Mabilis na dumaan ang mga araw, nawala na ang lahat ng paghihirap na naranasan ko sa aking paglilihi at ito ay napalitan naman ng hirap sa pagkilos at paglalakad sapagkat mabigat na ang aking dinadala at malaki na rin ang itinaas ng aking timbang. Ang lahat ng bigat na nararamdaman ko ay dagling napapawi sa tuwing gumagalaw ang aking sanggol. Maya't maya ko syang kinakausap, hinihimas at kinakantahan. Gayun din naman ang aking asawa, walang sawang hinahalikan at laging kinakausap ang aming sanggol. Nakatutuwa naman at para bang kahit nasa loob pa sya ng aking tiyan ay tumatawa rin sya at sumasagot sa lahat ng aming sinasabi at ginagawa sapagkat tumutugon sya sa pamamagitan ng malalakas na pagsipa.

Nang sumapit ang ikasiyam na buwan ng aking sanggol, ang aking timbang ay nadagdagan na ng dalawampu't tatlong kilo. Napakabigat ko na at kayhirap nang maglakad. Dito ko naranasan ang pinakamahirap na parte ng aming byahe sapagkat dumating ang isang malakas na bagyo...si Ondoy.

Umaga noon ng ika dalawampu't anim ng Setyembre, malakas na ang ulan. Hinintay ko ang aking asawa upang maihatid nya ako sa opisina sapagkat kailangan kong pumasok. Wala namang anunsyo noon ang PAGASA na malakas ang bagyong darating kaya naman malakas pa ang loob kong pumasok. Nang sumapit ang ika siyam ng umaga ay nag-umpisa nang lumakas ang buhos ng ulan. Hindi naglubay ang malakas na buhos na animo'y iniluha na ng langit ang lahat ng kanyang sama ng loob sa daigdig! Unti-unti nang tumaas ang tubig sa opisina. Nagulat nalang kami nang makita naming halos hanggang tuhod na ang tubig sa labas. Nagtaka kami, dahil sa tinagal tagal ng panahon ay hindi pa ito nangyari sa aming opisina. Natakot ako! Gusto ko nang umuwi, ngunit pinakalma ako ng aking tatlong kasamahan dahil baka mapaanak ako nang hindi oras. Napakabilis ng mga pangyayari, namalayan na lang namin na may tubig na sa aming paanan. Kinabahan na ako sa aking nakita, naninigas ang aking tiyan na tila ba kinakabahan din ang aking anak. Naisip ko ang aking asawa! Nasaan na kaya sya?! Tinawagan ko sya at sinabi nyang nasa LRT Station na raw sya sa Santolan ngunit hindi makauwi sapagkat malalim na ang Marcos Highway. Naisip ko rin ang aking kapatid na noon ay naninirahan samin at kasalukuyan ding nasa trabaho sa Ortigas. Salamat na lang at nasa bahay na sya, ligtas na sya doon sapagkat kami ay nasa ikalawang palapag, nabawasan ang aking pag-aalala! Lumalim na nang lumalim ang tubig. Nakita naming ang tubig sa labas ay malapit nang umabot sa kalahati ng "Dodge Journey" na sasakyan ng aming "boss". Pinapanhik ako sa ilkalawang palapag ng bahay ng aming "boss" na nasa tabi lamang ng aming opisina. Mabilis na inilipat sa katabing bahay ng aking mga kasamahan ang lahat ng gamit sa opisina . Halos mapaanak ako sa pag-aalala sa nangyayari... Naisip ko, paano kung umabot sa ikalawang palapag ang tubig? Paano kung sumakit ang aking tiyan at mapaanak ako ng hindi oras? Ano ang mangyayari samin! Ang asawa ko nasaan na kaya! Ahhh... nakababaliw na sitwasyon! Tinawagan ko ang aking asawa, nasa Robinson's Place na raw sya. Sinuong nya ang malalim na tubig simula Santolan hanggang Robinson's Place. Abot tanaw na nya ang aming bahay ngunit hindi sya makauwi dahil lagpas tao na ang tubig sa harapan nito. Natapos ang paghahakot ng aking mga kasamahan nang wala akong naitulong. Wala akong magawa para sa kanila kundi ang maawa. Dumilim na ang paligid, hindi na nakarating ang aming mga "boss" dahil na "stranded" na sila sa Quezon City. Lumipas ang mga oras, pero hindi nawala ang aking kaba...naninigas at medyo sumasakit na ang aking tiyan. Sari-sari ang aking naiisip...paano kung patuloy na lumalim ang tubig at kailangan na kaming ilikas? Sasakay ba ako sa "rubber boat" sa ganitong kalagayan?! Lagpas tao na ang tubig sa labas, lumubog na lahat ng nakaparadang sasakyan sa kalye! Pilit akong kinakalma ng aking mga kasamahan dahil sila man ay natatakot din na baka mapaanak ako nang oras na iyon. Wala akong kinapitan kundi ang Dyos...pinaubaya ko sa Kanya ang lahat. Maya't-maya kong hinihimas ang aking anak at binubulungan na huwag muna syang lalabas. "Anak kaya natin to"! Para akong baliw na laging inuusal ang mga katagang yan sa aking supling. Magdamag akong gising. Kinabukasan humupa na ang unos, ngunit malalim pa rin ang tubig. Unti-unti lamang itong bumabaw nung magbabandang hapon na. Nakauwi na rin ang aking asawa na nagpalipas ng gabi sa Robinson's Place...mabuti na lang at nagpasilong ito ng mga tao.  Dalawang araw pa ang lumipas nang tuluyang mawala ang tubig, ngunit iniwan naman nito ang kalunos lunos na itsura ng kapaligiran. Sa tanawing yun ay nais ko nanamang maiyak ngunit kailangan kong kumalma upang hindi maapektuhan ang aking sanggol. Sinundo na rin ako ng aking asawa at higit akong nalungkot sa kapaligirang aking nadatnan sa pag-uwi. Ang mga kalsada ay napakabaho dahil sa amoy ng putik at mga nabubulok na mga gamit at patay na hayop. Napakaputik ng paligid! Ang Marikina kasi ay isa sa malubhang naapektuhan ng bagyong iyon. Humingi ng tulong ang aking asawa sa mga kapitbahay upang ako ay maalalayan sa paglalakad sa napakadulas na daan. 

Sa ganong kalagayan ng paligid, nagpasya na kaming mag-asawa na huwag na akong pumasok dahil napakadelikado para sa aming mag-ina. Ipinahinga ko na ang aking isip at katawan upang paghandaan ang pinakahihintay na pagsilang ng aming pinakamamahal na supling!







Walang komento:

Mag-post ng isang Komento