Lunes, Mayo 16, 2011

SI KAMPUPOT

Paano nga ba magsimula ng isang "Blog"?... Marami akong dahilan, pero walang malinaw ni isa man.  Nais ko lamang isulat ang ilan sa aking mga karanasan...mga iniisip...mga nararamdaman. Isusulat ko ito sa wikang madalas nang kinalimutan ng ilan...sa wikang hindi banyaga at kailanman ay hindi ako ipagkakanulo.

Isinilang sa isang bahagi ng Timog Katagalugan, sa bayan ng mga mangyan, sa paraiso ng mga tamaraw. Lumaki sa inosenteng mundo ng malawak na kabukiran, na walang ibang libangan kundi ang mamingwit ng palaka at makinig ng dula sa "transistor radio". Anak ng isang bulakeñong magsasaka at isang taal na mindoreña. Itinaguyod sa pamamagitan ng pagbubungkal ng lupang sakahan. Pinag aral...nakapagtapos ng Batsilyer ng Agham Sa Kontadurya. 

Nang makapagtapos, iniwan ang mundong kinalakhan at sinuong ang buhay sa syudad. Nakisama sa iba't ibang taong kung saan-saan nagmula. Tumira sa tirahang puno ng iba't ibang uri ng kaluluwa. Nakisabay sa agos ng buhay sa mundong bago at mapanghalina. Lumaban, natuto, nangibabaw...

Di naglaon, umibig. Nakapangasawa ng isang taga Hilaga at nagkaanak ng isang malusog na sanggol na lalaki...

Simpleng tao...isang asawa't ina...kalahating bulakeña, kalahating mindoreña... Yan si kampupot.

... at dito ako mag-uumpisa...


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento