Miyerkules, Hunyo 8, 2011

ULAN


Tangan ang malaking dilaw na payong, lumabas ako sa aming bakuran kaninang umaga upang pumasok sa opisina. Dumampi sa aking balat ang malamig na hangin na hindi ko pangkaraniwang nararamdaman dito sa syudad.  Basang basa ang kalyeng aking nilalakaran, mabuti na lamang at nakabili na ako ng sapatos na pang tag-ulan. Madilim pa rin ang kalangitan at sa aking palagay ay maghapon ang magiging ulan ngayon.

Kapag ganitong umuulan ay hindi ko maiwasang maalala ang dati naming tirahan sa bukid noong mga bata pa kaming magkakapatid. Lagi kaming nakatanaw sa bintanang tinutukuran ng isang mahabang putol na sarayan (isang kahoy na animo’y kawayan). Ang hampas ng hangin sa mga dahon ng Kamatsile ay isa sa mga gustong gusto ko, dangan kasi’y mistula itong mga mananayaw na sabay-sabay ang pag-indak. Ugali rin namin ang sama-samang maligo sa ulan. Nagtatampisaw kami sa mga pitak na nalagyan ng tubig-ulan, naghahabulan sa mapuputik na mga pilapil, nagbabalibagan ng putik, at namumulot ng mga tutubing hindi makalipad dahil sa pagkakabasa ng kanilang mga pakpak. Laging pumapalahaw ng iyak ang kapatid kong babae na sumunod sa akin dahil namumulot din ng mga uod ng damo ang aking kuya na sya nyang ginagawang panakot  sa amin. Hay! Kaysaya ng aking buhay-bata! At talaga naming masaya ang maging bata lalo na kapag umuulan! Hindi namin kailanman inisip na ang ulang nagbibigay sa amin ng kasiyahan ay sya ring minsa’y nagdudulot ng pagkasira ng pananim ng aming tatay. Hindi namin iyon batid noon sapagka’t ni minsan ay hindi kami pinigilang magsaya ng aming mga magulang sa ilalim ng mapaglarong ulan.

Ahhh…ibang iba ang epekto ng ulan sa akin noon kesa ngayon. Naaasiwa akong lumusong sa kalyeng may tubig-ulan sa takot na baka ito ay magdulot sa akin ng sakit dahil sa mga ihi ng daga at iba pang maruruming bagay. Takot din akong paliguin ang aking anak sa ulan, di tulad ng aming mga magulang noong araw na hinahayaan kaming mapagod sa paglalaro sa ulanan. Hindi ko alam kung bakit…basta hindi ako panatag. Pag nakikita kong lumalakas ang ulan ay hindi ako mapalagay dahil nag-aalala ako na baka bumahang muli sa aming lugar. Nag-aalala din ako sapagka’t siguradong matatraffic nanaman sa pag-uwi ang aking asawa. Nag-uumpisa nanaman ngang magsikip ang Marcos Highway. Naibsan ng konte ang init ng syudad ngunit kapalit naman nito ay ibayong hirap.

Sa pag-akyat ko sa madulas na overpass ay nakita ko ang mga nagkakaingay na mga batang may mga dalang payong na animo’y pinauupahan sa mga naglalakad na walang pananggalang. Nag-uunahan sila sa paglapit sa mga taong nangangailangan ng payong. Pinapayungan nila ang mga ito hanggang sa sakayan kapalit ng limang piso. Sa mga hagdan naman ay may mga aleng nagtitinda ng mga mumurahing payong at mga tsinelas na pang tag-ulan. Nakatutuwa naman na ang ulang nagpapahirap sa iba ay oportunidad naman ang hatid sa ilan.

Nangingiti ako sa isiping iyon habang naglalakad sa ulanan. Hindi ko namalayan, nasa harap na pala ako ng pintuang bakal ng aming gusali…natanaw ko ang orasang nakasabit sa pader na pinagkakabitan ng gate. Alas otso y kinse na! Naku late nanaman ako! Dahil ba ito sa ulan? O dahil sa pag-iisip ko habang naglalakad?!


Ahhh…marahil ay nasiyahan din ako sa paglalakad ko sa ulanan kaya’t hindi ko namalayan ang oras…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento